Biyernes, 8:30 nang gabi.
Alas singko y medya ako umalis nang Makati ngunit kakarating ko pa lang nang Philcoa. Tinext ko kaagad s'ya na hindi na ako makakahabol sa kanyang play na alas siete pa nagsimula.
"Bukas ka na lang manood," reply n'ya.
Sumakay ako ng tricycle at bumaba nang Sarah's. Nakiupo ako sa lamesa ng mga nakitang kaibigan.
Bandang alas-diyes nang gabi nang tinext ko ulit s'ya.
Ako: Daan ka dito after.
S'ya: Saan?
Ako: Sarah's
S'ya: Oh. Di ko na kaya. Uwi na ako.
Ako: Daan lang sana. :) Pero oks lang. Ingat. See you.
S'ya: Thanks.
Paalis na kami ng kaibigan ko nang may lumapit na lalaki mula sa kabilang mesa at nagpakilala. Wala rin talaga ako sa mood kaya magalang kong sinabi na paalis na kami at may pupuntahan pa.
Naisipan naming dumaan muna sa Tomato Kick dahil anniversary party ng Bookay-Ukay bago umuwi. Isang mabilis na ikot lang, sabi namin.
Pagdating namin sa Tomato Kick, nakita namin ang isa pang kaibigan.
"Sinong kasama mo?," tanong ng kasama ko
"Kami-kami," inisa-isa n'ya ang pangalan ng mga kasama n'ya at nakaramdam ako ng kurot sa dibdib ko nang mabanggit ang pangalan n'ya. Nandoon s'ya. Pagkatapos n'yang sabihing uuwi na s'ya, nando'n s'ya.
Nagsimula kaming maglakad ng kasama ko para ikutin ang lugar nang makita ko ang isa kong kaibigang lalaking matagal ko nang hindi nakikita. Napasigaw ako at yinakap ko s'ya nang mahigpit. Mabuti na lamang at nando'n s'ya. Kumuha kami ng beer at kahit pang alam kong nadaanan namin ang lamesa nilang magkakaibigan ay hindi ako lumingon.
Mabuti na lamang at hindi nagtagal ay umuwi na rin sila.
Nag-usap pa kami ng kaibigan ko sandali at umuwi na rin ako sa bahay ng kasama kong kaibigan.
Walang message sa Facebook o text mula sa kanya.
Hanggang kinabukasan ay wala pa ring pagpaparamdam. Last show ng play n'ya kinagabihan.
Nag-text s'ya nang alas-sais nang gabi kung manonood ba ako.
Halata ang galak ko noong nagkita kami ngunit akward na mula roon. Hindi ako nagsasalita at maikli ang sagot sa mga tanong n'ya. Patapos na ang intermission at nagpaalam na s'yang babalik sa loob.
Sa kanya ang huling play na ipinalabas. Mahusay ang direksyon ngunit hindi ko masabing ganoon din sa pagkakasulat, ngunit hindi naman sama--hindi talaga. Sa dulo ng play ay biglang tumugtog ang "Dancing with Myself" ng Nouvelle Vague. Tumawa ako nang malakas, mabuti na lang at nalunod ito sa ingay ng palakpakan sa paligid. Pinatugtog n'ya ang original ni Billy Idol noong magkasama kami ilang araw lang ang nakararaan, habang nasa bahay s'ya at tinutulungan kong gumawa ng assignemnt. Oo, nakakahiya mang aminin--na tinulungan ko s'yang gumawa ng assignment at naaalala ko ang pinatugtog n'ya noong gabing 'yon.
Pagkalabas ng teatro ay tumambad sa amin ni Carlo ang malakas na ulan. Wala kaming nagawa kundi tumayo sa isang gilid at nagsindi ng yosi. Maya-maya ay lumabas na rin s'ya, kinakamayan at binabati ng mga tao sa kanyang play. Lumapit s'ya sa 'min at tinanong si Carlo kung anong tingin n'ya. Isang yosi ang lumipas at wala akong natatandaan sa mga pinagsasasabi nila, pakiramdam ko ay 'sing cerebral ng kakapanood lang naming play ang naging usapan. Ngunit walang puwang ang katawan ko para sa utak noong mga panahong 'yon, masyadong maingay ang tibok ng puso ko. Bago pa man sumabog ang dibdib ko, nagpaalam na kami. Yinakap n'ya si Carlo, pagkatapos ay ako. Hinalikan n'ya ako sa pisngi. Maligaya akong naglakad sa ulan pabalik ng sasakyan.
No comments:
Post a Comment