Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ngayon pa. Oo, impatweyted na nga yata ako. Naiisip kita 24/7. Oo, kahit marami akong ginagawa. At oo, kahit sabi ng utak ko hindi pwede. Simula nung tuluyan kaming naghiwalay ni C, marami akong naging, hindi ko alam, "boylet'? Fine, hindi marami--mga tatlo. Tatlo and something something kung i-ca-count ko 'yung mga naka-flirt at nakalimutan na. Pero ngayon lang 'tong bagong pakiramdam na 'to. Hindi ko masabing matindi, mas intense, o mas malalim, pero masasabi kong iba.
Hindi ko rin maintindihan na dati pa kitang kilala pero ngayon lang 'to umusbong. Oo, umusbong talaga. Infatuated ako. Hindi lang crush, at hindi pa siguro pag-ibig. Hindi pa pag-ibig ngunit kaya ko nang ma-imagine ang kinabukasang may pag-ibig.
Ano kayang mga pag-uusapan natin? Anong magiging paboritong kainan? Masarap ka sigurong yakapin at halikan sa pisngi. Paano kaya tayo mag-aaway? Hindi yata kita kayang awayin kahit kailan. Ano kayang mga papanoorin natin? Babasahin? Pakikinggan? Magugustuhan mo pa rin kaya ako kapag nalaman mo ang tunay na ako at totoong kasaysayan ko? Paano kaya tayo kapag may episode ako? May episodes ka rin kaya? Kung meron man, aalagaan lang kita at hahagkan.
Susubukan kong gawin lahat, gagalingan ko, aayusin ko na ang trabaho ko, maging patuloy lang ang pagka-steady ng buhay ko, dahil sa ngayon, masaya ako kung nasaan ako. Masaya ako sa pasulyap-sulyap mong presensya sa bawat linggo ko. Ngunit hanggang doon lang.
Dapat hanggang doon lang. Dahil hindi pwede. Walang pag-ibig na pwedeng mabuo. Dahil kumplikado. Dahil baka hindi mo ako gusto. O kung gusto mo man ako, hindi tayo papahintulutan ng trabaho. Hindi ko kayang isipin ang kinabukasang wala ka, gaano man kadalang na nandyan ka. Kaya ganito na lang. Hanggang dito na lang.
No comments:
Post a Comment